Mariing pinabulaanan ng Ministry of Foreign Affairs and International Cooperation ng Cambodia ang mga ulat na nasa kanilang bansa ang puganteng negosyante na si Charlie “Atong” Ang, taliwas sa naunang “raw information” na lumabas mula sa mga awtoridad ng Pilipinas kaugnay sa umano’y kinaroroonan nito.
Sa isang opisyal na pahayag na inilathala sa social media page ng Cambodian foreign ministry, kinumpirma ng kanilang tagapagsalita na wala si Ang sa Cambodia at wala ring anumang rekord ng kanyang pagpasok o paglabas ng bansa.
Ayon sa ahensya, batay sa opisyal na ulat ng Immigration General Department ng Ministry of the Interior ng Cambodia, walang naitalang entry o exit si Charlie Tiu Hay Ang sa alinmang border checkpoint ng bansa.
Ginawa ng Cambodian government ang paglilinaw na ito upang pabulaanan ang mga kumakalat na ulat sa media na nagsasabing posibleng nagtatago si Ang sa Cambodia, lalo na matapos lumabas ang balitang may ipinadalang grupo ng mga pulis mula sa Pilipinas upang hanapin ang puganteng negosyante.
Sa ganitong pahayag, iginiit ng Cambodia ang kanilang paninindigan na maging malinaw at tumpak ang impormasyong lumalabas kaugnay sa isyu, lalo na sa mga usaping may kinalaman sa international cooperation at law enforcement.













