-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Sinampahan na ng kaso ang isang padre de pamilya matapos nitong brutal na patayin ang buntis na asawa sa Brgy. San Miguel, Norala, South Cotabato.

Kinilala ang biktima na si alyas Fe, 36 taong gulang, habang ang suspek ay ang sariling mister nito na si alyas Larry, 42 taong gulang. Kapwa sila residente ng nasabing lugar.

Ayon kay Kapitan Ryan Cabrera Januto ng Brgy. San Miguel, kagagaling lamang umano ng suspek sa pangunguling nang magkaroon sila ng pagtatalo ng kanyang asawa, dahil umano sa matinding selos. Habang nagluluto si Fe, kumuha ng “panabas” si Larry at walang-awang ginilitan sa leeg ang biktima.

Matapos ang krimen, tinangkang kitilin ni Larry ang sarili at ginilitan rin ang sarili sa leeg. Sa kabila nito, naabutan pa siyang buhay ng mga rumespondeng awtoridad at agad dinala sa pagamutan para sa medikal na atensyon.

Sa kasamaang-palad, hindi rin nailigtas ang sanggol na dinadala ni Fe.

Labis ang trauma ng kanilang 7-taong gulang na anak na siyang nakasaksi sa karumal-dumal na krimen at agad na humingi ng tulong sa mga awtoridad.

Sa ngayon, binabantayan ng pulisya ang suspek sa pagamutan habang inihahanda ang mga kaukulang kasong isasampa laban sa kanya. Tiniyak naman ng mga anak ng biktima na kanilang ipaglalaban ang hustisya para sa ina.

Nanawagan si Kapitan Januto sa publiko na agad i-report sa mga awtoridad ang anumang uri ng domestic abuse upang maagapan ang mga ganitong trahedya. Hinimok rin niya ang mga mag-asawa na ayusin ang kanilang sigalot sa maayos at mapayapang paraan.