Isinulong ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mas malalim na ugnayan sa ekonomiya at seguridad ng rehiyon sa pamamagitan ng pag-pangunahan ng ika-31 ASEAN Senior-Level Committee on Financial Integration (SLC) na ginanap sa isla ng Boracay.
Dinaluhan ang nasabing pagpupulong ng mga matataas na opisyal mula sa mga sentral na bangko ng mga kasaping bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Kasama ng Pilipinas sa pamumuno ng dayalogo ang mga co-chair mula sa Bank of Indonesia at State Bank of Vietnam.
Naging sentro ng talakayan ang mga hakbang upang higit pang mapalalim ang integrasyon ng pananalapi ng mga bansa sa ASEAN, upang makasabay sa mabilis na pagbabago ng mga merkado. Kabilang sa mga tinalakay ay ang pagpaplano ng mga prayoridad ng ASEAN Chair para sa taong 2026.
Binuo ng komite ang pagsusuri sa kasalukuyang kalagayan ng global at regional economies, pati na rin ang mga hamon at oportunidad na maaaring makaharap. Tinalakay din ang pagpapalakas ng mga patakaran para sa sustainable finance at ang pangangailangan ng mas mahigpit na kooperasyon sa aspeto ng cybersecurity.












