Nakatakdang magsampa ng kaso ang Barangay Captain ng Kaya Kaya sa bayan ng Datu Abdullah Sangki, Maguindanao del Sur laban sa mga sundalong umano’y nambugbog sa dalawang miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team o BPAT.
Ayon kay Kapitan Musa Guiabel, hindi nila matatanggap ang pagmamaltrato ng mga sundalo sa kanilang mga tauhan na katuwang sa pagpapanatili ng kapayapaan.
Sugatan at may pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima matapos silang mapagkamalang armadong grupo.
Ayon sa ulat, kahit nagpakilala na bilang BPAT at nakasuot ng uniporme, pinadapa, pinaghahablot at pinagbubugbog pa rin sila gamit ang mga baril.
Bukod dito, tinangay pa umano ng mga sundalo ang kanilang mga cellphone, solar panel, at sako ng bigas.
Mariin itong kinondena ng lokal na pamahalaan ng Datu Abdullah Sangki at tiniyak na hindi palalampasin ang insidente.
Sa ngayon, iniimbestigahan pa ng pulisya ang kaso habang wala pang pahayag ang militar.