-- ADVERTISEMENT --

Naglagak ng piyansang P90,000 si dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. para sa kasong graft kaugnay ng P92.8 milyon na umano’y ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.

Ayon sa Sandiganbayan Fourth Division Clerk of Court, ginawa ang pagbabayad nitong hapon ng Martes, Enero 20.

Walang kaukulang piyansa ang kasong malversation na nakabinbin laban kay Revilla, kaya’t hindi pa rin siya mapapalaya habang patuloy ang imbestigasyon sa anti-graft court.

Sa kasalukuyan, nananatili siyang nakadetine sa New Quezon City Jail sa Payatas, base sa commitment order ng Sandiganbayan Third Division.

Nahaharap si Revilla sa magkakahiwalay na kaso ng graft at malversation of public funds through falsification of public documents sa Sandiganbayan Fourth at Third Division.

Ang mga kaso ay inihain ng Office of the Ombudsman matapos ang isinagawang imbestigasyon kasama ang Department of Justice, kung saan natuklasan ang probable cause na walang aktwal na proyektong naisakatuparan sa naturang flood control project, kahit idineklarang kumpleto o tapos na.