Nakakulong na ngayon ang isang bomb expert at miyembro umano ng Dawlah Islamiya na sangkot sa serye ng pamomomba sa Mindanao matapos maaresto sa isang anti-terror operation ng Police Regional Office-12 sa Barangay Ligao, Palimbang, Sultan Kudarat, madaling araw ng Miyerkules, Oktubre 29.
Kinilala ang suspek na si Jaybee Mastura, alyas Abu Naim, na matagal nang wanted sa mga kasong multiple murder, multiple frustrated murder, destructive arson, at paglabag sa Anti-Terrorism Act of 2020 (RA 11479) na nakasampa sa mga korte sa Central Mindanao.
Ayon kay Police Brig. Gen. Arnold Ardiente, Regional Director ng PRO-12, nahuli si Mastura sa pamamagitan ng koordinadong operasyon ng Regional Intelligence Division, Sultan Kudarat Provincial Police Office, at mga lokal na opisyal ng Palimbang, sa tulong ng mga kasapi ng MNLF at MILF na katuwang ng pamahalaan sa pagpapanatili ng kapayapaan.
Narekober mula sa pinagtataguan ng suspek ang isang improvised explosive device (IED) na maaaring pasabugin mula sa malayo gamit ang mobile phone.
Kilala si Mastura bilang bihasang gumagawa ng mga home-made bomb na ginagamit umano sa mga pag-atake ng grupo sa rehiyon.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Palimbang Municipal Police Station ang suspek habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Pinasalamatan naman ni Brig. Gen. Ardiente ang mga lokal na opisyal, barangay leaders, at mga kasapi ng MNLF at MILF sa kanilang kooperasyon na nagresulta sa matagumpay na operasyon laban sa terorismo sa Sultan Kudarat.













