Inatasan ng Bureau of Customs (BOC) ang lahat ng concerned personnel na magsagawa ng kumprehensibong inventory at accounting ng mga baril na ipinagkaloob sa mga kawani ng ahensya.
Ipinag-utos ito ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno kasunod ng pamamaril sa isang paaralan sa Zamboanga City, kung saan naiulat na nagmula sa Customs Police personnel ang isa sa mga baril na sangkot sa insidente.
Kasabay ng inventory, isasagawa rin ng BOC ang pagsusuri sa pagsunod ng mga kawani sa mga patakaran hinggil sa gun safety at wastong pangangalaga ng mga armas. Kabilang dito ang firearm custody, pagbiyahe at pag-iimbak ng mga baril.
Binigyan ng 24 oras ang mga kawani upang tumalima sa direktiba at ma-account ang mga baril na kanilang hawak o naitalaga sa kanila.
Ayon kay Nepomuceno, layunin ng hakbang na matiyak ang mahigpit na pagsunod sa mga polisiya ng ahensya at mapalakas ang seguridad sa paghawak ng mga baril.
Tiniyak din ng BOC chief ang transparency sa isinasagawang pagsusuri upang matukoy ang anumang pagkukulang at makagawa ng mga hakbang para maiwasan ang pag-uulit ng naturang insidente.













