Patuloy na pinaghahanap sa ngayon ang isa sa higit 40 nawawala matapos lumubog ang RORO vessel na MV Trisha Kerstin 3 sa karagatan ng Basilan kagabi ng Enero 25, 2026.
Kabilang sa mga nawawala si Cadet Kyle Punsalang, isang binatang seaman na nakapag-chat pa sa kanyang ina bago tuluyang lumubog ang barko.
Ayon sa kanyang kapatid, JP Punsalang, dakong alas-9:06 ng gabi ay nag-update si Kyle tungkol sa siksik at masikip na kalagayan sa loob ng barko.
Sa kanyang huling mensahe dakong alas-12:56 ng madaling araw, iniulat niyang tumatagilid na ang vessel at humihingi ng tulong.
Patuloy ang malawakang search and rescue operations sa paligid ng Baluk-Baluk Island, ang lugar kung saan huling nakita ang barko na nagmula sa Zamboanga City patungong Jolo, Sulu. Kasama sa mga tumutulong sa rescue ang Philippine Coast Guard, navy ships, air assets, at lokal na bangka.
Sa pinakahuling ulat mula sa Philippine Coast Guard, 15 ang nasawi, 316 ang nailigtas, at 43 ang nawawala, kabilang si Cadet Kyle Punsalang. Maraming pamilya at netizens ang nakikiisa sa panalangin para sa kaligtasan ng mga nawawala.
Sa kabila ng trahedya, nananatiling umaasa ang pamilya Punsalang na buhay pa ang kanilang anak.
Sa isang emosyonal na post sa social media, nanawagan sila sa mga lokal na pamahalaan ng Zamboanga at Isabela de Basilan, pati na rin sa PCG, na tulungan silang mahanap si Kyle.
Patuloy rin ang imbestigasyon upang malaman ang sanhi ng paglubog ng barko at upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero sa hinaharap.













