KORONADAL ITY – Purisgido ang biktima ng pambabastos na si alyas “J” na magsampa ng kaso laban sa tricycle driver na umano’y nanghipo sa kanya sa lungsod ng Koronadal.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, pormal nang nagfile ng reklamo sa Women and Children’s Protection Desk ng Koronadal City Police si “J” laban sa driver ng tricycle na nakilalang si Alyas Tope, residente ng Brgy. Morales, Koronadal City.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni “J” na napilitan lamang siyang dumalo sa isang “settlement” matapos silang imbitahan sa isang programa ng bise alkalde sa lokal na himpilan ng radyo.
Inamin niya na hindi siya nabigyan ng briefing bago isalang sa programa, at wala siyang kasamang pamilya.
Giit ni “J,” hindi patas ang naging proseso at hindi sinsero ang paghingi ng tawad ng panig ng suspek.
Aniya, “No choice ko, Ma’am, kay asawa niya ang kaatubang ko. Asawa niya ang nagasabat para sa iya. Nagpasaylo ko pero langot sa buot ko — indi sincere ang pagpangayo niya sang pasaylo. Indi direkta sa akon kundi sa on-air lang.”
Dagdag pa ni “J,” “Amo pa ‘to nga nahuya gid ko, ara ka na dira sa radyo, ginpasaylo ko pero wala ko nabatyagan nga sincere kay asawa niya ang gapangayo pasaylo. Indi ko tani gusto magpaareglo, pero ginpahuy-an ko. Wala man ko sang intensyon nga magpa-areglo kay ginahambal pa nga daw ma-file-an pa ko sang kaso.”
Mas lalo pa umanong nasaktan ang biktima matapos siyang ma-face shame at ma-body shame sa social media. Ayon sa kanyang pamilya, tinanong pa ng isang staff ng istasyon kung “ano raw ang suot niya” noong nangyari ang pambabastos, na lalo pang nagpababa ng kanyang moral at dignidad.
Nilinaw ng biktima na ang layunin ng kanyang viral post ay hindi para siraan, kundi para magbigay ng babala at kamalayan sa publiko, dahil sinumang babae ay maaaring maging biktima ng pambabastos at hindi ito dapat gawing palabas o katatawanan.
Paalala ng mga otoridad, protektado sa batas ang mga biktima ng ganitong kaso, at hindi dapat inilalantad sa publiko ang kanilang mukha o pagkakakilanlan, alinsunod sa Magna Carta of Women at iba pang batas laban sa pambabastos at karahasan sa kababaihan.
Nanawagan si “J” at ang kanyang pamilya ng patas na imbestigasyon at hustisya, upang hindi na maranasan ng iba pang kababaihan sa Koronadal ang parehong karanasan.
Samantala, bukas naman ang Bombo Radyo sa panig ng tricycle driver na inirereklamo ng biktima.













