-- ADVERTISEMENT --

Isinusulong ngayon sa Senado ang panukalang batas na naglalayong magpatupad ng mas mahigpit na transparency sa mga kumpanya ng langis sa bansa kasunod ng mga reklamo mula sa publiko tungkol sa umano’y maaga at kahina-hinalang pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 641, bibigyan ng kapangyarihan ang Department of Energy (DOE) na obligahin ang mga oil company na isumite ang detalyadong talaan ng kanilang presyo sa langis, kabilang ang aktwal na gastos.

Magkakaroon din ng awtomatikong mekanismo na mag-uutos sa mga kumpanya na ilabas ang kanilang mga gastusin kapag umabot sa itinakdang antas ng presyo ang Dubai crude oil batay sa Means of Platts Singapore (MOPS).

Ayon kay Senator Erwin Tulfo, na co-author ng panukalang batas, dapat maging malinaw ang mga oil company sa kanilang aktwal na gastos at hindi magdeklara ng price hike batay lamang sa kasalukuyang tensyon sa Gitnang Silangan.

Matatandaan na sa pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means, sinabi ng DOE na pinadalhan na nila ng sulat ang mga gas station na pinaghihinalaang umaabuso sa sitwasyon, lalo na sa tensyon sa Gitnang Silangan.

Gayunpaman, inamin ng ahensya na limitado ang kanilang kapangyarihan sa ilalim ng umiiral na Oil Deregulation Law.

Kaugnay nito, iginiit ni Tulfo ang pangangailangan ng mas permanenteng solusyon sa pamamagitan ng batas upang matiyak na may pananagutan ang mga kumpanya at protektado ang mga konsyumer.