KORONADAL CITY – Nirerespeto umano ni Sultan Kudarat Governor Datu Pax Mangungudatu at siya ring chairman ng Regional Peace and Order Council (RPOC) ang inilabas na desisyon ng National Police Commission (NAPOLCOM) na kabilang siya sa mga tinanggalan ng police powers.
Ayon kay Mangungudatu, walang problema sa kanya kung tanggalan man otoridad sa mga pulis bilang gobernador dahil ito’y kautusan mula sa nakakataas at siya’y susunod lamang dito.
Ngunit dapat din umano na mailahad ng NAPOLCOM ang matibay na basehan sa pagkakasama ng kanyang pangalan at halos lahat ng mga alkalde sa kanilang lalawigan.
Sa kabila nito, suportado pa rin umano ng opisyal ang kampanya ni Presidente Rodrigo Duterte laban sa droga at terrorismo.
Napag-alaman na si Mangungudatu ay kabilang sa 7 gobernador na tinaggalan ng police powers sa Mindanao kasama ang mga alkalde ng 11 bayan at Tacurong City sa Sultan Kudarat.
Kaugany nito, nakatakda na umanong magpulong ang mga local chief executive ng Sultan Kudarat para pag-usapan ang isyu.






