-- ADVERTISEMENT --

Arestado ang isang lalaki matapos makuhanan ng baril at droga sa inilunsad na Search Warrant Operation ng awtoridad sa Barangay New Pangasinan, Isulan, Sultan Kudarat noong Disyembre 28, 2024.

Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Julius R Malcontento, Hepe ng Isulan Municipal Police Station, ang suspek na si alyas “Diosdado”, 42 taong gulang, may asawa, at residente ng nabanggit na lugar.

Isinagawa ang Search Warrant bandang 2:26 ng hapon ng pinagsanib na mga operatiba ng Isulan MPS, 1st Sultan Kudarat Provincial Mobile Force Company, Regional Intelligence Division 12 at PDEA Sultan Kudarat.

Nakumpiska mula sa pag-iingat ng suspek ang isang yunit ng Cal. 38 Revolver na may kasamang bala, pitong plastic sachet ng pinaghihinalaang shabu na may kabuuang bigat na 4 na gramo na may Standard Drug Price na Php27,200, mga pinaniniwalaang drug paraphernalia at iba pang non-drug item.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act” at R.A. 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.