Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring pamamaril-patay sa isang punong barangay at ang kasama nitong Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) sa Sitio Butterfly, Malibatuan, Arakan nitong Sabado ng umaga, Enero 17,2026.
Kinilala ng Arakan Municipal Police Station ang mga nasawing biktima na sina Barangay Chairman Jerry Bondad Prande, ng Barangay Malibatuan, at si Gemar Caro Prande, isang CAFGU member.
Ayon sa ulat, bandang alas-10:25 ng umaga nang mangyari ang pamamaril habang sakay ng motorsiklo ang mga biktima.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na hinarang ang mga ito ng tatlong motorsiklo na may sakay na riding-in-tandem na mga suspek, at agad na pinagbabaril.
Tinamaan sa ulo si Kapitan Prande na naging sanhi ng agarang kamatayan nito habang mabilis naman na tumakas ang mga salarin.
Agad na naglunsad ng flash alarm ang Arakan MPS sa mga kalapit na yunit ng pulisya at naglatag din ng mga checkpoint sa mga estratehikong lugar at inalerto ang mga karatig-pook upang harangin ang posibleng ruta ng pagtakas ng mga suspek.
Sa kasalukuyan, isinasagawa ang hot pursuit operation sa pangunguna ni PMAJ Reynante C. Pascua, Chief of Police ng Arakan MPS.
Nananawagan naman ang opisyal sa sinumang may impormasyon tungkol sa pagkakakilanlan ng mga suspek na agad itong ipagbigay-alam sa kanilang himpilan.
Tinitiyak din ng Arakan PNP na hindi titigil ang imbestigasyon hanggang sa mabigyan ng hustisya ang pinaslang na punong barangay at ang kasama nito.













