Nagpaabot ng panalangin at taos-pusong pakikiramay ang publiko sa pamilya ni Cadet Dave Kyle Punsalang, taga-Davao City, matapos matagpuan ang kanyang bangkay halos dalawampung araw makaraang lumubog ang MV Trisha Kerstin 3 sa karagatan malapit sa Baluk-Baluk Island sa Basilan.
Matatandaan na kabilang si Cadet Kyle sa mga sakay ng barko na bumiyahe mula Zamboanga patungong Jolo nang ito ay kapusin at tuluyang lumubog dahil sa malalakas na alon at pagpasok ng tubig sa ibabang bahagi ng sasakyang-dagat.
Sa mensaheng ibinahagi ng isang survivor, inilarawan si Cadet Kyle bilang matapang at makatao. Marami umano itong naisalba at tinulungan na makapagsuot ng life vest bago tuluyang inanod ng malalakas na alon. Pinaniniwalaang ibinuwis nito ang sariling buhay upang mailigtas ang iba.
Matatandaang umabot sa mahigit limampu ang nasawi sa trahedya habang daan-daan naman ang nailigtas sa isinagawang search and rescue operations ng Philippine Coast Guard at iba pang otoridad.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon upang matukoy ang kabuuang sanhi ng paglubog ng barko at ang posibleng pananagutan ng shipping company.
Samantala, nananatiling dalamhati ang pamilya ni Cadet Kyle ngunit ipinagmamalaki ang kabayanihang ipinamalas nito sa gitna ng trahedya.













