-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Dumating na ngayong araw, Setyembre 1, 2025, sa bayan ng Norala, South Cotabato ang bangkay ng Overseas Filipino Worker (OFW) na si Kristine Talamera Bauden, mas kilala bilang Honey Talamera Hablaado, isang domestic helper na nasawi sa Jeddah, Saudi Arabia.

Labis ang pagdadalamhati ng pamilya Talamera–Hablaado matapos muling masilayan ang labi ng kanilang mahal sa buhay.

Ayon kay Ginang Ma. Luz Talamera, ina ng OFW, dismayado sila sa employer ng kanyang anak dahil huli na nilang nalaman ang tungkol sa pagkaka-ospital nito, at nang ipinaalam sa kanila ay pumanaw na.

Bagamat may inilabas na medical record ang ospital sa Jeddah, duda pa rin ang pamilya sa tunay na dahilan ng pagkamatay ni Kristine.

Dahil dito, nakatakda munang isailalim ang kanyang labi sa autopsy bago tuluyang iuwi sa kanilang tahanan sa Purok Tauro, Barangay Poblacion, Norala.

Sa kabila ng matinding kalungkutan, nagpapasalamat pa rin ang pamilya sa mga tumulong upang maiuwi ang labi ng kanilang mahal sa buhay dito sa bansa.