-- ADVERTISEMENT --

Natagpuan ngayong Martes, Hulyo 22, 2025, ang bangkay ng isang 60-anyos na lalaki sa Barangay Bagong Silang, Caloocan City matapos ang matinding pagbaha na dulot ng sama ng panahon kagabi.

Batay sa ulat ng North Caloocan City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), ang biktima ay isa umano sa sakay ng isang itim na kotse na inanod ng rumaragasang baha sa bahagi ng Camarin. Ayon sa mga awtoridad, nawalan ng kontrol ang sasakyan dahil sa mataas na tubig, kaya’t tinangay ito ng agos.

Patuloy namang isinasagawa ng mga awtoridad at mga rescuers ang search and rescue operations para matagpuan ang nawawalang kasama ng biktima na hanggang ngayon ay hindi pa rin natatagpuan.

Nananawagan ang mga otoridad sa publiko na maging mapagmatyag at umiwas munang bumiyahe, lalo na kung may banta ng pagbaha dulot ng masamang panahon.

Lubos namang nakikiramay ang pamahalaang lungsod sa naulilang pamilya ng biktima.