Mas lalo pang lumakas ang tropical cyclone na may international name na “Bavi” matapos itong maging isang super typhoon nitong Biyernes ng gabi, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa pinakahuling weather bulletin alas-10 ng gabi, naitala ang maximum sustained winds nito sa 185 kilometers per hour malapit sa gitna, habang umaabot naman sa 230 kph ang bugso ng hangin. Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 3,090 kilometro silangan ng Eastern Visayas at kumikilos pa-kanluran sa bilis na 20 kph.
Bagama’t nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR), sinabi ng PAGASA na posible itong pumasok sa PAR sa Miyerkules, Hulyo 8, kung saan tatawagin itong “Inday.”
Batay sa pinakahuling tropical cyclone threat assessment ng state weather bureau, mataas ang posibilidad na dumaan ang super typhoon malapit sa Northern Luzon sa susunod na linggo. Dahil dito, posibleng magtaas ng tropical cyclone wind signals sa malawak na bahagi ng Northern Luzon at ilang lugar sa Central Luzon.
Samantala, easterlies pa rin ang kasalukuyang umiiral na weather system na nakaaapekto sa malaking bahagi ng bansa.













