Nanindigan ang bagong talagang direktor ng National Bureau of Investigation (NBI) na si Melvin Matibag na mananatiling independiyente at walang kinikilingan ang ahensya sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Pormal na umupo sa puwesto si Matibag matapos ang turnover ceremony nitong Lunes, kung saan pinalitan niya si outgoing chief Angelito Magno.
Sa kanyang unang mga pahayag, hinarap agad ni Matibag ang isyu ng kanyang pagiging malapit na kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa kabila ng kanyang panunungkulan ngayon sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.. Iginiit niya na hindi pulitika kundi ang mandato ng NBI ang dapat manaig sa bawat imbestigasyon.
Binigyang-diin din ng bagong direktor na walang “sacred cow” sa mga kasong hinahawakan ng ahensya, kabilang ang mga iniimbestigahang umano’y anomalya sa mga proyektong flood control. Aniya, malinaw ang direktiba ng kasalukuyang administrasyon: papanagutin ang sinumang mapatutunayang may sala, anuman ang katayuan sa buhay o koneksyon sa pulitika.













