Dinala sa pagamutan ang apat na katao matapos makuryente nang aksidenteng tamaan ng isang forklift ang 69kV subtransmission line ng SOCOTECO-1 habang isinasagawa ang pagtatayo ng mga poste ng streetlights sa Crossing Tboli, Barangay Poblacion, Surallah.
Dahil sa insidente, nagdulot ito ng power interruption sa buong upper valley areas at ilang bahagi ng lower valley, partikular sa Feeders 11 at 13.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng SOCOTECO-1 at kasalukuyang isinasagawa ang power restoration sa apektadong mga lugar.
Nilinaw naman ng kooperatiba na ang ginawang pag-aayos o pagtatayo ng poste ng streetlight kaninang umaga ay hindi proyekto o aktibidad ng SOCOTECO-1, kundi isinagawa ng mga pribadong indibidwal na sa kasalukuyan ay patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan.
Patuloy ding mino-monitor ng mga awtoridad ang kalagayan ng mga biktima habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.