Anim na mga high powered firearms ang isinuko ng mga residente sa kanilang mga barangay chairmen sa Cotabato City bilang tugon sa kampanya kontra loose firearms ng PNP at Army.
Isinagawa ang ceremonial turn-over sa Battalion Headquarters ng Civil Military Operations ng 6th Infantry Division sa PC Hill, Cotabato City kaninang umaga.
Mismong ang Ayunan-Pasawiran brothers ang pormal na nagsuko ng mga armas na sinaksihan nina 6th CMO Battalion Commander Lt.Col. Roden Orbon at Lt.Col Joaquin Agtarap Jr. ng Cotabato City Police Office.
Kinabibilangan ito ng apat na M4 carbine at dalawang M16, isa rito ay may markang AFP property habang ang iba ay US-made rifle.
Nanawagan naman si Brgy. Kalanganan Mother Bimbo Ayunan-Pasawiran sa mga kapwa nito kapitan na hikayatin din ang kanilang mga residente lalo na ang mga kakandidato sa susunod eleksyon na tumugon sa kampanya kontra loose firearms upang hindi na magamit pa sa kaharasan lalo pa’t papalapit na ang halalan.
Hindi kaila na ang lungsod ay may mataas na presensya ng mga unlicensed guns na ginagamit sa iba’t-ibang krimen.
Samantala, sinabi ni Orbon na aasahan pa ang mas maraming isusukong armas mula sa mga mamamayan ng lungsod.