-- ADVERTISEMENT --

Inilagay na sa “high-risk area” ang Strait of Hormuz para sa mga tripulanteng Pilipino sa gitna ng patuloy na kaguluhan sa Gitnang Silangan.

Inanunsyo ito ng Department of Migrant Workers (DMW) ngayong Sabado, Marso 7.

Ayon kay Migrant Workers Undersecretary Bernard Olalia, pinalawig ang advisory para sa maritime sector at kasamang klinasipika ang kritikal na ruta para sa mga oil shipments bilang mapanganib na lugar.

Ang hakbang na ito ay magbibigay-daan sa mga Pilipinong seafarers na tumangging sumampa sa barko na maglalayag sa naturang lagusan.

Kung sakaling magpatuloy ang kanilang paglalayag sa nasabing lugar, may karapatan ang mga Pilipinong tripulante na humiling ng umento sa benepisyo at sahod.

Ang Strait of Hormuz ay matatagpuan sa pagitan ng Iran at Oman, at ito ang dinadaanan ng isang-kalimang bahagi ng kabuuang konsumo ng langis sa buong mundo.

Ito rin ay itinuturing na pinakamahalagang ruta para sa iniluluwas na langis, na nagkokonekta sa pinakamalalaking oil producers sa Middle East tulad ng Saudi Arabia, Iran, Iraq, United Arab Emirates, Gulf of Oman, at Arabian Sea.

Dahil sa mga kamakailang pag-atake ng Amerika at Israel laban sa Iran, na nagresulta ng mga pagsabog at aksyon mula sa Iran laban sa mga nasabing bansa at kanilang mga kaalyado sa Gulf states, naapektuhan ang daloy ng oil shipping sa critical na ruta.