Iniulat ng ilang media outlet sa Iran na nasawi umano ang anak na babae, manugang, at apo ni Supreme Leader Ayatollah Ali Khamenei sa isinagawang airstrikes ng United States at Israel sa kaniyang compound sa Tehran.
Batay sa ulat at iba pang lokal na pahayagan, nasawi ang ilang miyembro ng pamilya ng lider matapos ang naturang pag-atake. Ayon sa mga sinasabing mapagkakatiwalaang source na malapit sa loob ng tirahan ng Supreme Leader, nakumpirma umano ang pagkamatay ng mga ito.
Isinagawa ng US at Israel ang joint combat operations sa Iran na layong pahinain o patumbahin ang pamunuan ni Khamenei.
Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag mula sa kampo ng Supreme Leader hinggil sa kaniyang sariling kalagayan. Gayunman, nauna nang sinabi ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na may mga indikasyon na posibleng kabilang din si Khamenei sa mga nasawi sa naturang pagsalakay.
Samantala, iginiit naman ng ilang opisyal ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) na buhay pa ang Ayatollah at ang mga ulat tungkol sa kaniyang pagkamatay ay bahagi lamang umano ng “psychological warfare” ng Israel at Estados Unidos.













