-- ADVERTISEMENT --

Hinatulan ng korte ng 15 taong pagkakakulong si Colin Gray, ama ng teenager na responsable sa mass shooting sa isang high school sa Georgia, United States noong 2024 na ikinasawi ng apat na katao.

Napatunayang guilty si Gray, 55-anyos, matapos mapatunayan ng korte na naging pabaya siya at pinayagan niyang magamit ng kaniyang anak na si Colt Gray ang baril na ginamit sa pamamaril.

Nauna nang nahatulan si Colt Gray, na ngayon ay 16-anyos, ng habambuhay na pagkakakulong nang walang posibilidad ng parole dahil sa isinagawang pag-atake sa paaralan.

Ayon kay Judge Nicholas Primm, hindi mababawi ang sakit na idinulot ng insidente sa mga biktima at kanilang pamilya, ngunit mahalaga umanong paghiwalayin ang pananagutan ng ama sa mismong krimeng ginawa ng kaniyang anak.

Itinuturing na kauna-unahang kaso sa Georgia ang pagkakahatol sa isang magulang ng second-degree murder kaugnay ng mass shooting na isinagawa ng kaniyang anak.

Ayon sa mga prosecutor, may mga indikasyon umano ng agresibo at marahas na pag-uugali ang binatilyo bago pa ang pamamaril, ngunit hindi ito nabigyan ng sapat na aksyon at atensyon ng kaniyang mga magulang.

Patuloy namang ginagamit ng mga tagausig sa Estados Unidos ang ganitong uri ng kaso upang papanagutin ang mga magulang na umano’y nagpabaya sa pagkontrol at pag-iingat ng mga baril sa kanilang tahanan, lalo na sa gitna ng patuloy na problema sa school shootings sa bansa.