-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pamamaril sa isang padre de pamilya na may pending na kaso dahil sa umano’y panggagahasa sa sariling mga anak nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Police Capt. Archie Dagohoy, hepe ng Surallah Municipal Police Station, nasawi ang isang padre de pamilya na kinilala lamang sa alyas na Gerald, 37 anyos at residente ng Lake Sebu, South Cotabato.

Ayon kay Police Capt. Dagohoy, lumabas sa kanilang imbestigasyon na pinagbabaril ng hindi nakilalang suspek si Gerald sa Purok Riverside, Brgy Tubi-Allah, Surallah, South Cotabato sa hindi pa matukoy na motibo.

Agad naman umanong tumakas ang suspek matapos ang pamamaril kay alyas Gerald. Positibo naman itong kinilala ng kanyang pamilya kung saan nabunyag din ang kasalukuyang kasong hinaharap nito dahil sa umanong panggagahasa sa kanyang tatlong mga anak.