-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa kaso ng isang 9-anyos na batang lalaki na tinaga umano ng kanyang sariling ama sa Norala, South Cotabato, pasado alas-6:40 ng umaga nitong Miyerkules, Setyembre 10, 2025.

Ayon sa Norala Municipal Police Station, mahimbing umanong natutulog ang mga bata nang dumating ang kanilang ama. Pilit nitong kinuha ang biktima, dinala sa sariling kuwarto at doon pinagtataga.

Paglabas ng bata, duguan na ito at nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Kaya’t agad humingi ng tulong ang kapatid sa kanilang lola, na nagdala sa biktima sa Norala District Hospital.

Agad naman na inirefer ito sa South Cotabato Provincial Hospital sa Koronadal City para agarang isailalim sa medikasyon.

Matapos ang insidente, tumakas ang suspek ngunit pasado alas kahapon ng hapon ay nadakip ito ng mga pulis sa pamamagitan ng hot pursuit operation malapit sa kanilang tahanan.

Sa ngayon, kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.