-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Isiniwalat ni Norala Mayor Clemente Fedoc ng South Cotabato na apat na beses umano siyang ipinatawag ngayong taon sa loob mismo ng Malacañang compound ng isang indibidwal na nagpakilalang tauhan ng mataas na opisyal ng gobyerno.

Ayon kay Fedoc, inalok siya ng bilyong pisong kontrata para sa flood control projects sa kanyang bayan kapalit ng malaking porsiyento bilang “SOP.”

Kasama umano sa alok ang libreng biyahe, pagkain, at pananatili sa isang five-star hotel kung tatanggapin niya ang kasunduan. Ngunit mariing tinanggihan ito ng alkalde.

Aniya, hindi niya kayang ipagkanulo ang tiwala ng kanyang mga kababayan, at tiniyak na ni isang sentimo ay wala siyang tinanggap.

Handa rin siyang magbigay ng testimonya sa binuong Independent Commission ng Malacañang kung kinakailangan, kahit pa aminado siyang delikado ito para sa kanyang kaligtasan.

Dagdag pa ng alkalde, una na rin siyang inalok ng porsiyento mula sa ilang private contractors ngunit tumanggi rin siya. Giit ni Fedoc, mula nang maupo siya noong 2019, wala umanong ghost projects sa Norala at masisiguro niyang matibay ang lahat ng flood control projects doon.

Samantala, nilinaw ng alkalde na wala pang humihingi ng permit para sa planong kilos-protesta sa bayan sa Setyembre 21, kasabay ng anibersaryo ng deklarasyon ng martial law.