-- ADVERTISEMENT --

Patuloy ang pag-angat ng karera ni Filipina tennis star Alex Eala matapos ang kanyang naging kampanya sa Madrid Open, kung saan umusad siya sa WTA rankings sa singles at doubles.

Sa pinakabagong tala, umakyat si Eala mula No. 44 patungong No. 42 sa singles world rankings matapos makapasok sa second round ng torneo at makakuha ng dagdag na 35 points, kaya’t umabot sa 1,285 ang kanyang kabuuang puntos. Sa unang round, tinalo niya si Anastasia Pavlyuchenkova sa straight sets (6-3, 6-3) bago siya natalo kay Elise Mertens sa sumunod na round, 2-6, 1-6.

Sa doubles, nakipagtambal siya kay Zeynep Sönmez at umabot din sa second round. Nag-umpisa sila sa panalo laban kina Chan Hao-ching at Fanny Stollar (6-2, 6-2), ngunit natalo sa susunod na laban kina Katerina Siniakova at Taylor Townsend, 1-6, 5-7. Dahil dito, nakapag-ambag si Eala ng 120 points sa doubles na nag-angat sa kanya sa career-high na No. 88 mula No. 99.

Sa kasalukuyan, nasa Rome na si Eala para maghanda sa kanyang susunod na torneo sa Italian Open, kung saan layunin niyang ituloy ang momentum mula sa Madrid at mapalakas pa ang kanyang posisyon sa WTA rankings.