Nakatutok ang pansin ng publiko kay Atty. Sheila Sison matapos siyang lumutang bilang pangunahing abogado na mangunguna sa depensa ni Vice President Sara Duterte sa nalalapit na impeachment trial sa Senado sa Hulyo 6.
Si Sison ay kabilang sa 16 na miyembro ng legal team ni Duterte, ngunit siya ang inaasahang hahawak sa mga pangunahing argumento ng depensa sa isa sa pinakamalalaking kasong pulitikal sa bansa sa kasalukuyan.
Kilala si Sison sa larangan ng criminal litigation at sa paghawak ng mga komplikado at mataas na profile na kaso. Ayon sa kanyang law firm, ilang ulit siyang kinilalang Lawyer of the Year mula 2015 hanggang 2019 dahil sa kanyang husay sa propesyon.
Nagtapos siya ng Communication Arts sa University of the Philippines Los Baños bago kumuha ng abogasya sa San Sebastian College of Law–Recoletos. Habang nag-aaral, naging consistent Dean’s Lister siya at nagtapos bilang valedictorian ng kanyang batch.
Kasabay ng paghahanda ng depensa, naging sentro rin ng usapan ang ginanap na pre-trial conference noong Hunyo 18 sa pagitan ng kampo ni Duterte at House prosecution panel. Gayunman, itinanggi ng mga miyembro ng prosekusyon ang mga ulat na umano’y nasapawan sila ng legal team ng Bise Presidente sa naturang pagpupulong.
Ayon kay Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro, handa ang kanilang panig para sa paglilitis at nakatuon lamang sila sa mabilis na pag-usad ng mga proseso bago ang pormal na pagbubukas ng impeachment trial.
Habang papalapit ang itinakdang paglilitis, inaasahang magiging mahalagang personalidad si Sison sa pagtatanggol kay Duterte laban sa mga reklamong ihaharap sa Senado bilang impeachment court.













