KORONADAL CITY – Naresolba na ang tensyon sa pagitan ng dalawang armadong grupo sa Barangay Sapakan, Mamasapano matapos ang halos dalawang oras na palitan ng putok noong hapon ng Biyernes, Agosto 1, bunga ng matagal nang personal na alitan na lalo pang lumala matapos ang umano’y pagtanan ng anak ng miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at kapatid ng barangay chairman.
Ayon kay Police Captain Guisepe Tamayo, tagapagsalita ng Maguindanao del Sur PNP, nagsimula ang engkuwentro sa pagitan ng grupo ni Sukor Guiamalon, miyembro ng 106th Base Command ng MILF-BIAF, at ng grupo ni Mohamad Tatak, Punong Barangay ng Sapakan.
Ayon kay Tamayo, matagal na ang alitan ng dalawang panig at muling sumiklab ito dahil sa personal na isyu ng pagtanan.
Agad namang rumesponde ang mga tropa ng 33rd Infantry Battalion sa pangunguna ni Lt. Col. Legada, katuwang ang mga opisyal ng barangay at lokal na pamahalaan upang maiwasan ang paglala ng sitwasyon.
Kinumpirma sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal ni Police Captain Tamayo, na tuluyang naawat ang kaguluhan sa pamamagitan ng isinagawang dayalogo at interbensyon ng mga lokal na opisyal, AFP at PNP.
Wala ring naiulat na nasugatan o nasawi sa engkuwentro. Nanawagan din ang mga otoridad sa mga residente na iwasan ang paggamit ng karahasan sa pagresolba ng personal na alitan, at pairalin ang mapayapang pag-uusap bilang solusyon sa mga sigalot sa komunidad.