-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY — Pumagitna na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa muling pag-init ng sigalot sa pagitan ng dalawang barangay officials sa Special Geographic Area (SGA) ng BARMM matapos mauwi sa trahedya ang palitan ng putok.

Ito ang kinumpirma ni Lt. Col. Ronald Suscano, tagapagsalita ng 6th Infantry Division (6ID) ng Philippine Army, sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Suscano, una nang naayos ang alitan sa pagitan ng kampo ni Barangay Captain Esmael Tayuan ng Kudarangan at Barangay Captain Abdullatif Sandigan Abdulgani ng Ulandang. Gayunman, muli umanong nagkaroon ng tensyon na nagresulta sa panibagong palitan ng putok.

Sa naturang engkwentro, isang limang taong gulang na mag-aaral ng Damabalas Elementary School ang tinamaan ng ligaw na bala sa ulo habang nasa loob ng kanilang classroom. Ngayong araw sana idaraos ang graduation pictorial ng mga mag-aaral.

Kaugnay nito, muling nag-deploy ng pwersa ang militar at pulisya upang kontrolin ang sitwasyon at pigilan ang lalo pang paglala ng karahasan.

Dagdag pa ni Suscano, layunin ng kanilang operasyon na mapanatili ang kaayusan sa lugar kasunod ng magkakasunod na insidente ng barilan noong February 10 at 11.

Napag-alaman na matagal nang may umiiral na rido sa pagitan ng dalawang kampo, na lalo pang pinalala ng pagkakaroon ng loose firearms ng kanilang mga tagasuporta. Bagama’t nagkaroon na ng naunang settlement na pinangunahan ng 601st Infantry Brigade, muling sumiklab ang hidwaan nitong linggo.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang operasyon para sa pagkumpiska ng mga ilegal na armas, habang inihahanda na rin ang posibleng pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa mga sangkot na opisyal at kanilang mga tauhan.

Nanawagan naman ang militar at pulisya sa mga residente na manatiling kalmado at makipagtulungan sa mga awtoridad habang ipinatutupad ang pinaigting na seguridad sa lugar.