-- ADVERTISEMENT --

Kinumpirma ng Police Regional Office XI na ni-relieved na ang hepe ng pulisya sa lungsod ng Digos matapos ang pamamaril-patay kay Brgy. Tres de Mayo Kapitan Oscar “Dodong” Bucol Jr. sa mismong tahanan nito.

Sa ginanap na press conference ngayong araw, dumalo sina Governor Yvonne Cagas, Provincial Director Lt. Col. Leo Ajero, at Regional Director Police Brigadier Gen. Leon Victor Rosette.

Ayon kay Gen. Rosette, positibong hakbang ang ginawa nilang pag-relieve sa Acting Chief of Police ng Digos City, na si PLTCol. Peter Glenn Ipong, upang ipakita sa pamilya ng biktima na seryoso ang mga awtoridad sa pagresolba ng kaso.

Aniya, “Para sa ikalilinaw ng ating imbestigasyon, ay ni-relieve ko na ang ating Chief of Police sa Digos CPS dahil sa pagkakasangkot ng kanyang pangalan…”

Matatandaang nabanggit ni Kapitan Bucol ang pangalan ni PLTCol. Ipong sa ilang Facebook livestream nito bago ang insidente.