Hiniling ng prosekusyon ng International Criminal Court (ICC) na tanggapin bilang ebidensya ang mga naunang testimonya ng limang saksi sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kampanya kontra droga.
Sa 12-pahinang dokumentong inihain nitong Biyernes, hiniling ni ICC Acting Prosecutor Mame Mandiaye Niang sa Trial Chamber III na isama ang mga transcript at kaugnay na materyales ng limang saksi upang mapabilis ang paglilitis at mabawasan ang oras sa direktang pagtatanong.
Ayon sa prosekusyon, mahalaga at mapagkakatiwalaan ang mga testimonya. Iginiit din nitong mapangangalagaan ang karapatan ni Duterte sa patas na paglilitis dahil maaari pa ring magsagawa ng cross-examination ang depensa, gayundin ang mga hukom at iba pang partido.
Nahaharap si Duterte sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng umano’y extrajudicial killings sa ilalim ng kampanya kontra droga noong siya ay pangulo at alkalde ng Davao City. Inaresto siya noong Marso 2025 at kasalukuyang nakadetine sa ICC Detention Centre sa The Hague, Netherlands.
Nakatakdang magsimula ang paglilitis sa Nobyembre 30, matapos magpasya ang ICC Trial Chamber III na kuwalipikado siyang humarap sa paglilitis at kayang gamitin ang kaniyang mga karapatan bilang akusado.













