-- ADVERTISEMENT --

Kinuwestiyon ni Senator Panfilo Lacson ang motibo ng tatlong minority senator-members ng Senate Electoral Tribunal (SET) matapos nilang suportahan ang mosyon na humihiling na muling repasuhin ang petisyong naglalayong patalsikin si Senator Erwin Tulfo sa puwesto.

Kabilang sa mga bumoto pabor sa mosyon sina Senators Pia Cayetano, Robin Padilla at Camille Villar. Sa pahayag nitong Sabado, nagpahiwatig si Lacson na maaaring may iba pang dahilan sa likod ng kanilang naging desisyon bukod sa mga isyung ibinabato laban kay Tulfo.

Ayon kay Lacson, kuwestiyonable ang mosyon ni Berteni Causing dahil umano sa kawalan nito ng legal standing at sa paglabag sa itinakdang panahon para sa paghahain ng mosyon para sa muling pagsasaalang-alang. Pinuri naman niya ang tatlong mahistrado ng Korte Suprema at tatlong senador sa SET na bumoto laban dito.

Noong Biyernes, ibinasura ng SET sa botong 6-3 ang mosyon ni Causing na muling pag-aralan ang naunang petisyong quo warranto laban kay Tulfo. Layunin ng petisyon na kuwestiyunin ang pagiging kuwalipikado ng senador batay sa mga alegasyon hinggil sa kanyang citizenship, umano’y pagkakasangkot sa political dynasty, at kakulangan umano sa kinakailangang akademikong kuwalipikasyon.

Una nang ibinasura ng tribunal ang petisyon dahil sa kakulangan sa mga pormal na rekisito. Ayon din sa SET, huli nang naihain ang mosyon at hindi nasunod ang mga patakaran sa paghahain at paghahatid ng mga dokumento. Hindi rin umano sapat ang porma ng binagong petisyon, bagama’t hindi nito isinasara ang posibilidad na magsampa ng panibagong petisyon.

Samantala, binigyang-diin ni Senator Francis Pangilinan ang pangangailangang mapatunayan ng naghahain ng petisyon na isa siyang rehistradong botante. Ayon sa ulat, hindi umano ito naitatag ni Causing sa kanyang petisyon at hindi rin muling iginiit sa mosyong inihain noong Abril.