Makikibahagi sa nagpapatuloy na paglilitis sa International Criminal Court (ICC) ang 539 na kaanak ng mga umano’y biktima ng extrajudicial killings (EJK) sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte upang ilahad ang naging epekto ng pagkamatay ng kanilang mga mahal sa buhay.
Batay sa 108-pahinang trial brief na isinumite ng kanilang common legal representative noong Oktubre 13, kabilang sa mga dinanas ng mga pamilya ang matinding dalamhati, takot, problemang pinansyal, psychological distress at pagkaantala sa pag-aaral ng mga bata.
Ayon sa dokumento, halos 190 sa mga nasawi o nakaligtas sa tangkang pagpatay ay mga breadwinner ng kanilang pamilya. Ang ilan umano ay kumikita lamang ng ₱100 kada araw bago ang insidente, dahilan upang lalong lumala ang pinansyal na paghihirap ng kanilang mga naulila.
Iniulat din sa brief na lahat ng 539 na kalahok ay nakaranas ng psychological harm, kabilang ang matinding kalungkutan, pagkabalisa, galit, takot, kawalan ng pag-asa at paglayo sa ibang tao.
Binigyang-diin din ang epekto ng karahasan sa mga bata, kabilang ang bullying at kahihiyang naranasan dahil sa pagkakaugnay nila sa mga kapamilyang umano’y nasangkot sa ilegal na droga.
Layunin ng kanilang partisipasyon na maipakita sa korte ang lawak ng pinsalang emosyonal, panlipunan at pinansyal na dinanas ng mga pamilya. Ang mga alegasyon ay bahagi ng paglilitis sa ICC at hindi pa katumbas ng pinal na hatol ng korte.













