KORONADAL CITY – Nagpalabas ng opisyal na pahayag si Bise Presidente Sara Z. Duterte ngayong araw, Oktubre 14, 2026, upang ipagtanggol ang kaniyang defense counsel at atakihin ang aniya’y “politikal na teatro” ng kaniyang mga katunggali sa Kamara.
Ang pahayag ay tugon sa naging komento ng House private prosecutor na si Lorna Kapunan, na nagbansag sa lead defense counsel ng Bise Presidente bilang isang “bully”. Ayon kay Duterte, ang ganitong akusasyon ay isang maginhawang paraan lamang upang baluktutin ang katotohanan at gipitin ang panig na pumapalag sa “napakalaking kapangyarihang pampolitika”.
“Ang isang defense counsel ay hindi nagiging bully dahil lamang tumanggi siyang hayaang hindi maipaglaban ang inyong mga akusasyon,” pahayag ni Duterte sa kaniyang sulat.
Bukod sa pagtatanggol sa kaniyang legal team, lantarang kwinestyon ng Bise Presidente ang integridad ng ginagawang impeachment proceedings at ang pagpasa ng 2027 national budget. Hayagang itinanong ng Bise Presidente kung ang pambansang badyet ba ay ginagamit na “bargaining chip” upang suhulan ang mga mambabatas sa Kamara at gipitin ang mga Senador na tatayong hukom sa kaniyang impeachment trial.
Binatikos din ni Duterte ang Kamara sa pagpapadala ng Articles of Impeachment sa Senado nang wala umanong dalang malinaw at matibay na ebidensya mula pa sa simula. Aniya, dumaan sa pananakot at iligal na pagdetine ang mga tauhan ng Office of the Vice President (OVP) sa kamay ng komite.
Sa pagtatapos ng kaniyang pahayag, binuweltahan din ni Duterte ang administrasyon sa pagsasabing kung tunay na hangad ang pananagutan o accountability, dapat itong ilapat nang pantay-pantay, kabilang na sa Pangulo na nadaramay sa isyu ng “drug habit”












