Itinanggi ni Vice President Sara Duterte ang pagmamay-ari sa loteng ipinakita ng National Bureau of Investigation (NBI) at iniugnay sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Sa kaniyang pahayag, kinuwestiyon ni Duterte ang paggamit ng pondo ng pamahalaan sa mga operasyong aniya’y walang malinaw na pakinabang sa publiko.
Ayon sa bise presidente, ang umano’y panlilinlang sa publiko ang dahilan kung bakit hindi na kabilang ang NBI sa listahan ng mga testigong ihaharap ng prosekusyon sa impeachment proceedings laban sa kaniya.
Tinukoy rin ni Duterte ang mga ebidensiyang inilabas ng ahensya na aniya’y kuwestiyonable, kabilang ang tinatawag na Gracioso affidavit.
Binigyang-diin ng bise presidente na kailangang tiyakin ng mga ahensiya ng pamahalaan na ang bawat imbestigasyon at hakbang na pinopondohan ng taumbayan ay naaayon sa batas, nakabatay sa katotohanan, at nagsisilbi sa interes ng publiko.
Sa gitna ng usapin, nananatiling sentro ng kontrobersiya ang pagmamay-ari sa naturang lote at ang kaugnayan nito sa mga alegasyong sinusuri sa impeachment proceedings. Ang mga pahayag ni Duterte ay bahagi ng kaniyang pagtutol sa mga hakbang at ebidensiyang iniuugnay sa imbestigasyon ng NBI.













