-- ADVERTISEMENT --

Inimbitahan ng National Bureau of Investigation (NBI) si Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte na magbigay ng paliwanag sa mga alegasyong inihain ng sinibak na pulis na si Rodulfo Gracioso.

Sa liham na may petsang Oktubre 5, inimbitahan ni NBI Director Melvin Matibag ang kongresista na magtungo sa tanggapan ng ahensya sa Oktubre 12. Kalakip nito ang sinumpaang salaysay ni Gracioso, na nag-akusa kina Pulong Duterte, Vice President Sara Duterte at dating Pangulong Rodrigo Duterte ng umano’y pagtanggap ng mga bag na naglalaman ng pera mula kay dating House Speaker Lord Allan Velasco.

Ayon sa NBI, mahalagang marinig ang panig ng kongresista upang matiyak ang patas at masusing imbestigasyon. Maaari siyang magsama ng abogado at magsumite ng mga dokumento o iba pang ebidensyang makatutulong sa paglilinaw ng mga alegasyon.

Samantala, itinanggi na ni Vice President Sara Duterte ang mga paratang ni Gracioso at kinuwestiyon ang motibo nito. Inihayag din ng kanyang tanggapan ang planong magsumite ng sinumpaang salaysay bilang tugon sa mga alegasyon.

Patuloy na sinusuri ng NBI ang mga pahayag upang matukoy ang mga susunod na hakbang sa imbestigasyon. Sa ngayon, nananatiling mga alegasyon ang mga paratang laban sa mga nabanggit na personalidad.