-- ADVERTISEMENT --

Posibleng i-refer ng House prosecution team sa Department of Justice (DOJ) at Office of the Ombudsman ang mga alegasyon ng panunuhol laban kay Vice President Sara Duterte para sa paunang imbestigasyon at posibleng pagsasampa ng kaso.

Ayon kay House lead prosecutor Rep. Gerville Luistro, hindi pa sarado ang posibilidad na mapanagot si Duterte kaugnay ng bribery allegations, kahit inalis na ng prosekusyon ang Article III na tumatalakay sa mga naturang alegasyon mula sa impeachment trial.

Sinabi ni Luistro na maaari nilang iendorso sa DOJ o Ombudsman ang mga alegasyon laban sa bise presidente at ilang opisyal ng Department of Education (DepEd) upang masuri kung may sapat na batayan para sa pagsasampa ng kaso.

Samantala, nakapaghain na ang prosekusyon ng ebidensya kaugnay ng tatlo sa apat na orihinal na articles of impeachment laban kay Duterte. Patuloy namang tinatalakay ng Senate impeachment court ang Article II, na tumutukoy sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ng bise presidente.