Hinihintay ni Senator-Judge Panfilo “Ping” Lacson ang paliwanag ng depensa ni Vice President Sara Duterte sa alegasyong ₱817 milyon ang yaman na hindi umano naideklara sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Kabilang sa mga isyung inilatag ng prosekusyon ang ₱766 milyong pumasok sa CALE88 Foods Corporation, sa kabila ng iniulat na ₱208 milyong kita nito. Tinalakay nina House prosecutor Rep. Chel Diokno at prosecution expert witness Alexander Cabrera ang mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman na may kaugnayan sa mag-asawang Duterte-Carpio.
Gayunman, nilinaw ni Lacson na hindi pa pinal ang kaniyang pagsusuri sa testimonya ni Cabrera hangga’t hindi ito sumasailalim sa cross-examination. May pagkakataon din ang depensa na kuwestiyunin ang mga pahayag at magharap ng sariling eksperto at ebidensya.
Ayon kay Lacson, maingat na titimbangin ng mga senador-hukom ang mga ebidensya at testimonya ng magkabilang panig bago bumuo ng kanilang pasya.
Samantala, sinabi ni House prosecutor Rep. Terry Ridon na ihaharap ng prosekusyon ang pormal na listahan ng mga ebidensyang nais nitong ipatanggap sa hukuman matapos ang cross-examination at iba pang kaugnay na pagtatanong kay Cabrera.












