-- ADVERTISEMENT --

Dinagdagan ng International Criminal Court (ICC) ng pitong insidente ng pagpaslang ang kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, batay sa desisyong inilabas ng Trial Chamber III noong Oktubre 9.

Bahagyang pinagbigyan ng mga mahistrado ang kahilingan ng prosekusyon na isama ang walong karagdagang insidente na inihain noong Agosto. Dahil dito, umakyat sa 56 mula sa dating 49 ang kabuuang bilang ng mga insidente ng pagpaslang na saklaw ng kaso.

Anim sa mga bagong insidente ang idinagdag sa Count No. 3, na tumutukoy sa mga pagpaslang sa ilalim ng umano’y “barangay clearance operations” sa Metro Manila. Ang natitirang insidente ay isinama sa Count No. 2, na may kaugnayan sa mga pagpaslang sa mga tinaguriang high-value target mula Hulyo 2016 hanggang Hulyo 2017.

Bago nito, sinabi rin ng ICC Trial Chamber III na may kakayahan si Duterte na lumahok sa paglilitis sa kaniyang kaso.

Nakatakdang humarap muli ang dating pangulo sa status conference sa Oktubre 13, bago ang planong pagsisimula ng paglilitis sa Nobyembre 30.

Ang pagdaragdag ng mga insidente ay bahagi ng proseso ng paglilitis at hindi nangangahulugang napatunayan na ang mga paratang laban kay Duterte.