Nagsagawa ng kilos-protesta ang iba’t ibang grupo sa tanggapan ni Vice President Sara Duterte sa Mandaluyong City nitong Sabado ng umaga upang igiit sa Senate Impeachment Court ang paghatol na guilty sa Bise Presidente.
Bilang bahagi ng kanilang pagkilos, bumuo ng human chain ang mga raliyista habang tangan ang kanilang mga placard na naglalaman ng kanilang mga panawagan.
Ayon sa mga grupong Hukbo ng Malayang Bayan at Kabataan Sagisag at Gabay ng Pilipino, sapat na umano ang mga argumento at ebidensiyang inilahad sa impeachment trial upang mapanagot si Duterte sa mga alegasyong kinakaharap nito.
Kabilang sa mga isyung binigyang-diin ng mga grupo ang umano’y unexplained wealth, hindi naideklarang mga ari-arian, mga pagkakaiba sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), at ang kuwestiyonableng paggamit ng confidential funds.
Iginiit ng mga nagprotesta na dapat timbangin ng Senado ang mga inilatag na ebidensiya sa paglilitis at maglabas ng desisyong naaayon sa mga alegasyon at impormasyong iniharap sa korte.
Tiniyak din ng mga grupo na magpapatuloy ang kanilang mga pagkilos hangga’t hindi natatanggal sa puwesto at nakukulong ang Bise Presidente.
Samantala, ang pinal na paghatol sa impeachment case ay nakasalalay sa pagsusuri ng Senate Impeachment Court sa mga ebidensiya at argumento ng magkabilang panig.












