-- ADVERTISEMENT --

Inamin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang kasiguruhan kung tuluyang mareresolba ang sigalot sa West Philippine Sea (WPS), kaya mahalagang mapanatili ang maayos na pamamahala sa tensyon upang maiwasan ang posibleng paglala ng sitwasyon.

Sa kanyang talumpati sa Forbes Global CEO Conference sa Singapore, binigyang-diin ng Pangulo ang pangangailangang maiwasan ang mga pagkakamali at maling interpretasyon na maaaring magbunsod ng mas malawak na komprontasyon sa pinag-aagawang karagatan.

Sa kabila nito, sinabi ni Marcos na patuloy na nagsisikap ang Pilipinas na makabuo ng mga kasunduan, kabilang ang Code of Conduct, na inaasahang makatutulong sa pagpapababa ng tensyon sa rehiyon.

Ibinahagi rin ng Pangulo ang kanyang pangamba sa posibilidad na ang isang pagkakamali ng sinumang sundalo ay maaaring humantong sa mas malaking insidente at magpalala sa umiiral na alitan.

Binigyang-diin ni Marcos na mahalagang mapangalagaan ang kapayapaan at kalayaan sa paglalayag sa West Philippine Sea, hindi lamang para sa kapakanan ng Pilipinas kundi maging ng iba pang mga bansang umaasa sa ligtas at malayang paglalayag sa rehiyon.

Sa gitna ng patuloy na tensyon, nananatiling mahalaga ang diplomasya at maingat na pamamahala sa mga insidente upang maiwasan ang hindi inaasahang komprontasyon habang patuloy na hinahanap ang mga posibleng hakbang tungo sa mas mapayapang ugnayan sa rehiyon.