Hiniling ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Supreme Court na ibasura ang petisyong kumukuwestiyon sa pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at tanggihan ang hiling na preliminary injunctive relief.
Sa 64-pahinang komento, iginiit ng OSG na dapat i-dismiss ang petisyon dahil umano sa paglabag sa hierarchy of courts, o sa prinsipyong dapat munang idulog sa mababang hukuman ang mga usaping sakop din ng hurisdiksyon nito.
Kinukuwestiyon naman ni election lawyer Romulo Macalintal ang pagpapaliban ng BSKE na orihinal sanang idaraos sa Nobyembre 2026.
Sa ilalim ng Republic Act No. 12326, inilipat ang susunod na BSKE sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028. Itinakda rin ng batas sa limang taon ang termino ng mga barangay at Sangguniang Kabataan officials.
Ayon sa OSG, valid ang RA 12326 at walang sapat na batayan para maglabas ng temporary restraining order laban dito. Iginiit din ng tanggapan na may presumption of validity ang mga batas na ipinasa ng Kongreso hangga’t hindi napapatunayang labag sa Konstitusyon.
Nasa Supreme Court ngayon ang usapin para pagpasiyahan ang mga hamon sa pagpapaliban ng halalan.













