Nilinaw ni Senate impeachment court presiding officer Francis Escudero na wala pang itinakdang eksaktong petsa para sa paglalabas ng hatol sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ito ay matapos sabihin ng court spokesperson na si Reginald Tongol na maaaring mailabas ang desisyon bago o pagsapit ng December 16, 2026.
Ayon kay Escudero, mathematical computation lamang ang naging batayan ng naturang pahayag at hindi ito sumasalamin sa aktuwal na takbo ng paglilitis. Iginiit niyang hindi opisyal na posisyon ng impeachment court ang naturang projection.
Dahil dito, sinabi ni Escudero na bibigyan niya ng kaukulang instruction si Tongol hinggil sa mga susunod nitong pahayag tungkol sa kaso.
Nauna nang kinuwestiyon ni Senator-judge Raffy Tulfo ang pahayag ni Tongol, na ikinagulat umano ng ilang senator-judge. Sinabi naman ni Senator-judge Francis Pangilinan na wala umanong awtoridad ang spokesperson na magbigay ng personal na opinyon para sa korte.
Hiniling din ni Tulfo na paalalahanan si Tongol dahil sa umano’y paulit-ulit na pagkakamali sa mga pahayag nito.
Samantala, sinabi ni Escudero na isasaalang-alang niya ang mungkahi ni Tulfo at gagawa ng kaukulang hakbang ang impeachment court.













