Inaasahan ni Vice President Sara Duterte na posibleng magsampa ang National Bureau of Investigation (NBI) ng kasong perjury laban kay dating pulis Rodulfo Gracioso Jr. kung mapatutunayang hindi totoo ang mga alegasyon nito matapos ang imbestigasyon.
Ayon kay Duterte, nakatanggap ang kanyang tanggapan ng kopya ng affidavit ni Gracioso at mga identification documents, ngunit wala umanong iba pang kalakip na ebidensya.
Sinabi rin ng bise presidente na 29 na pahayag sa affidavit ang kanilang natukoy na pinaniniwalaang hindi totoo, kabilang ang mga alegasyon hinggil sa umano’y pagkikita nila ni Jefry Tupas noong 2019.
Nauna nang inakusahan ni Gracioso ang mga Duterte at si dating House Speaker Lord Allan Velasco kaugnay ng umano’y paghahatid ng mga maletang naglalaman ng pera. Tinatayang mahigit ₱2 bilyon umano ang perang naihatid kay VP Sara.
Iginiit naman ni Duterte na hindi niya kilala si Gracioso at wala siyang natanggap na pera mula rito.
Patuloy na sinusuri ng NBI ang mga alegasyon at inaasahang kukunin ang panig nina Duterte, Paolo Duterte, Velasco at ng asawa nitong si Toni Velasco. Mariin ding itinanggi ng kampo ni Velasco ang mga paratang.












