Nanawagan si Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno ng mas mataas na sahod at mas malawak na healthcare support para sa mga guro bilang bahagi ng paggunita sa World Teachers’ Day.
Ayon kay Diokno, mahalaga ang ambag ng mga guro sa edukasyon at paghubog ng bansa, ngunit marami pa rin umano ang nahaharap sa financial difficulties at limitadong healthcare benefits.
Kabilang sa kanyang isinusulong ang House Bill No. 7649 o “Dagdag Sahod for Public Basic Education Teachers and Employees Act,” na naglalayong magdagdag ng ₱15,000 sa basic monthly salary ng public school teachers at non-teaching personnel sa loob ng tatlong taon: ₱6,000 sa unang taon, ₱5,000 sa ikalawa at ₱4,000 sa ikatlong taon.
Itinutulak din niya ang House Bill No. 7648 o “Healthy Buhay at Hanapbuhay para sa Guro Act,” na naglalayong palawakin ang hospital, healthcare at wellness benefits para sa mga guro at kanilang dependents.
Kasama rito ang pagtatatag ng teachers’ health centers at specialty wards sa DOH-retained hospitals, pati libreng healthcare services sa mga pampublikong pasilidad.
Kasamang naghain ng mga panukala sina Akbayan Reps. Percival Cendaña at Dadah Kiram Ismula, at Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao. Nananatili sa committee level ang dalawang panukala.













