-- ADVERTISEMENT --

KORONALDA CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng apat na suspek sa pamamaril na ikinasawi ng isang CAFGU at ikinasugat ng dalawang sibilyan sa Barangay Sulit, Polomolok, South Cotabato nitong Lunes ng umaga, Oktubre 5.

Kinilala ng Polomolok Municipal Police Station ang nasawi bilang si Jerald Calayo Flungcay, 23, isang CAFGU na nakatalaga sa Mutukling, Tboli, South Cotabato at residente ng Barangay Lapu, Polomolok.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na si Flungcay mula sa Barangay Poblacion sakay ng kaniyang motorsiklo nang pagbabarilin sa junction ng Purok 2 at Purok 3 sa Barangay Sulit dakong alas-10:15 ng umaga.

Ayon sa pulisya, sakay ng dalawang motorsiklo ang apat na suspek at agad na tumakas patungo sa direksiyon ng Purok 7, Barangay Sulit.

Tinamaan din ng ligaw na bala ang dalawang sibilyang nagkataong dumaraan sa lugar na kinilalang sina Ryan Mark Paulo Maslog, 33, at Wilfredo Soguillon Maslog Sr., 74, kapwa residente ng Barangay Sulit.

Nagtamo si Maslog ng tama ng bala sa kanang binti habang tinamaan naman sa kanang paa si Maslog Sr. Agad silang isinugod sa Provincial General Hospital sa Polomolok para sa gamutan.

Nakarekober naman ang mga forensic investigator ng siyam na basyo ng bala, isang fired bullet at apat na deformed fired bullets sa crime scene.

Patuloy ang hot-pursuit operation ng pulisya para matukoy at maaresto ang mga suspek. Kabilang din sa isinasagawang imbestigasyon ang pagkuha ng mga pahayag mula sa mga saksi at pagsusuri sa posibleng CCTV footage na maaaring makatulong sa pagkilala sa mga suspek.

Samantala, naiuwi na sa pamilya ang labi ni Flungcay para sa Islamic burial.