Masusing iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente ng pagkakuryente sa ilang estudyante sa isinagawang Bubble and Color Fun Run ng Cauayan South Central School sa Cauayan City noong Sabado, Oktubre 3.
Ayon kay PCapt. Scarlette Topinio, tagapagsalita ng Isabela Police Provincial Office, tinitingnan ng pulisya kung may naging kapabayaan o pagkukulang sa panig ng mga organizer ng event at ng operator ng bubble machine.
Sinusuri rin ng mga imbestigador ang electrical setup na ginamit sa aktibidad, kabilang ang extension cord na maaaring nalantad sa bubbles at naging sanhi ng insidente.
Apat na indibidwal ang naiulat na nakuryente, kung saan dalawa ang nasawi.
Sinabi ni Topinio na maaaring managot ang sinumang mapatutunayang nagpabaya o nagkulang sa mga safety measures matapos makumpleto ang imbestigasyon.
Samantala, nanawagan ang pulisya sa publiko na iwasang magpakalat ng haka-haka o hindi kumpirmadong impormasyon at sa halip ay hintayin ang resulta ng opisyal na imbestigasyon.













