-- ADVERTISEMENT --

Mariing itinanggi ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang alegasyon ni dating senador Antonio Trillanes IV na tumanggap umano si Duterte at ang kaniyang asawang si Manases “Mans” Carpio ng daan-daang milyong pisong pondo mula sa China sa pamamagitan ng kanilang mga organisasyon.

Ayon kay Vice Presidential Spokesperson Salvador Paolo Panelo Jr., paulit-ulit nang ibinabato ni Trillanes ang mga alegasyon laban sa pamilya Duterte, kabilang ang umano’y kwestyonableng yaman, korapsyon at koneksyon sa China.

Nauna nang iginiit ni Trillanes na nakatanggap umano si Duterte ng P150 milyon mula sa Chinese Embassy sa pamamagitan ng kaniyang foundation, habang P319 milyon naman umano ang napunta kay Carpio sa pamamagitan ng isang korporasyon.

Kinuwestyon din ni Panelo ang naging desisyon ni Trillanes na bawiin ang kaniyang pagtestigo sa impeachment trial at sa halip ay ilabas sa isang press conference ang kaniyang mga alegasyon.

Itinanggi rin ng kampo ni Duterte ang paratang ni Trillanes tungkol sa umano’y hindi pagdedeklara ng ilang milyong pisong time deposits at life insurance sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) noong nagsilbi siyang vice mayor ng Davao City.

Samantala, inalis na si Trillanes bilang testigo ng prosecution panel matapos niyang hilinging bawiin ang kaniyang pagtestigo sa impeachment proceedings.