Nanawagan si Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. kay dating senador Antonio Trillanes IV na isumite sa mga awtoridad ang anumang ebidensyang hawak nito kaugnay ng alegasyong tumanggap ng pondong mula sa China si Vice President Sara Duterte at ang kaniyang asawang si Manases “Mans” Carpio.
Ayon kay Teodoro, kung mapatutunayan ang naturang alegasyon, maaari itong magkaroon ng seryosong implikasyon sa national security. Dahil dito, aniya, nararapat itong masusing imbestigahan ng mga kinauukulang law enforcement agencies.
Nauna nang sinabi ni Trillanes na umano’y daan-daang milyong pisong pondo mula sa mga entity na konektado sa China ang napunta sa isang foundation na iniuugnay kay Duterte at sa isang kumpanyang may kaugnayan kay Carpio.
Mariin namang itinanggi ng kampo ni Duterte ang mga paratang at tinawag itong mga gawa-gawang alegasyon. Ayon kay Vice Presidential spokesperson Salvador Paolo Panelo Jr., walang katotohanan ang mga akusasyon at handa nilang harapin ang mga ito sa tamang proseso.













